'Pekeng lisensya' ibinigay ni Migo Adecer nang maaresto, kinasuhan
MANILA, Philippines — Haharap sa panibagong reklamo ang "StarStruck" winner na si Migo Adecer dahil sa pagbibigay ng pekeng lisensya matapos makabangga sa Makati City noong nakaraang linggo.
Ayon sa otoridad, ibinigay ni Migo, na may tunay na pangalang Douglas Error Dreyfus Adecer, ang orihinal niyang driver's license nang hulihin para sa reckless driving sa Rockwell Makati bago ang insidente.
Laking gulat na lang ng mga pulis nang may maibigay muling lisensya ang aktor nang arestuhin sa pagkakabundol ng dalawang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority noong ika-26 ng Marso.
Dahil dito, hinainan ng kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o "Falsification by private individuals and use of falsified documents" ng Makati police ang GMA actor.
Ayon sa mga pulis, lango rin sa alak si Migo nang mahuli.
Pinakawalan siya noong Miyerkules matapos maghain ng piyansa.
Naglabas naman ng statement si Migo sa kanyang Instagram noong Sabado at humingi ng tawad sa insidente.
"First of all, I would like to apologize to all the persons who had been adversely affected by this incident," wika ng aktor.
Nag-sorry din siya sa hindi pagpapaunlak ng mga panayam kaugnay ng nangyari.
Nagpasalamat din siya sa dalawang kawani ng MMDA na nagawa siyang patawarin.
"I beg for your understanding for me to let my emotions settle first. I promise to face all of your inquiries after," kanyang panapos.
- Latest