Perjury vs Okada ibinasura
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Manila City Prosecutors Office ang kasong perjury laban sa casino mogul na si Kazuo Okada dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya at merito.
Sa 12-pahinang resolusyon na may petsang Marso 5, 2019, ibinasura ni Senior Assistant City Prosecutor Francisco Salomon ang apat na kaso ng perjury na isinampa ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc., na kinatawan ni Kenji Sugiyama, laban kay Okada. Ang desisyon ay inaprubahan ni Joselito Obejas, acting City Prosecutor ng Manila.
Sa kanyang desisyon, sinabi ni Salomon na dapat sinadya ang isang maling pahayag para maituring na perjury.
Sinabi ni Salomon na ipinarehistro lang ni Okada at hindi inilipat ang pag-aari ng ilang shares sa kanyang mga anak na sina Tomohiro and Hiromi. Ang nasabing kondisyon sa kanyang intensiyon na ilipat ang kanyang shares sa Okada Holdings Limited sa mga anak ay hindi natupad.
Idinagdag pa ni Salomon na patuloy na hawak ni Okada ang pag-aari at kontrol sa mga nasabing share dahil hindi pa rin nagbabayad ng inheritance tax sina Tomohiro at Hiromi hanggang ngayon.
- Latest