Rappler CEO Maria Ressa inaresto sa NAIA
MANILA, Philippines — Muling inaresto sa ikalawang pagkakataon si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa kahapon ng umaga sa Ninoy International Airport (NAIA).
Ayon kay Pasig City Police Chief P/Colonel Rizalito Gapas, dakong ?6:30 ng umaga nang isilbi ng mga tauhan ng Pasig City Police ang warrant of arrest laban kay Ressa sa Terminal 1 ng NAIA dahil umano sa paglabag sa Anti-Dummy Law at Securities Regulation Code (SRC).
Sa inihaing kaso sa Pasig RTC, inaakusahan sina Ressa at anim na iba pa sa umano’y pagpapahintulot sa banyagang kumpanyang Omidyar Network Fund na manghimasok sa operasyon ng Rappler sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts (PDR) sa investment firm noong 2015.
Pansamantala namang pinalaya si Ressa matapos maglagak ng P90,000 piyansa.
Bukod kay Ressa, nahaharap din sa kaso ang mga kasamahan nitong opisyal ng Rappler na sina Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitanga, Felicia Atienza at James Velasquez.
Samantala, pinayuhan ng Malacañang si Ressa na tigilan na ang karereklamo bagkus ay harapin ang kaso nito sa korte.
Iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang koneksyon sa isyu ng press freedom ang pag-aresto kay Ressa dahil mayroon siyang nilabag na batas. Sabi pa ni Panelo na tigilan na ni Ressa ang pagtatago sa press freedom sa ginagawa nitong pag-atake sa administrasyon na pinaparatangan niyang nasa likod ng kasong kanyang kinakaharap ngayon.
- Latest