Autopsy sa labi ng batang binalatan balak
MANILA, Philippines — Plano ng Public Attorney’s Office (PAO) na ipa-autopsy sa kanilang mga eksperto ang labi ng batang binalatan ang mukha sa Cebu.
Ito ang inianunsyo ni PAO Chief Persida Acosta, legal counsel ng pamilya ng biktima, dahil hindi siya kumbinsido sa latest findings ng National Bureau of Investigation sa kaso.
Paniwala ni Acosta, hindi nagtutugma ang resulta ng imbestigasyon ng NBI at Lapu Lapu City Police hinggil sa pagpatay sa 16-anyos na si Christine Silawan sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Anya, ibinase lamang ng NBI sa circumstantial evidence ang resulta ng imbestigasyon at wala itong mga eyewitness na magdidiin sa isang salarin gayung ang resulta ng imbestigasyon ng Lapu-Lapu City Police ay batay sa testimonya ng isa umanong piping testigo na nagkuwento sa nakitang pagpatay kay Silawan.
Una nang nahuli ng NBI ang isang menor de edad na suspek na umano’y ka-chat ni Silawan bago ito mawala noong Marso 10.
Sinabi ni Acosta na pupunta sila sa Cebu para makipag-ugnayan sa mga awtoridad at sa pamilya ng biktima.
- Latest