Pagkamkam sa ari-arian ng PECO pinigilan ng korte
MANILA, Philippines — Nadiskaril ang planong pagkamkam sa mga ari-arian ng Panay Electric Company (PECO) ng kalaban nitong kumpanya matapos paboran ng Mandaluyong Regional Trial Court ang petisyon nito para sa isang ‘temporary restraining order’ (TRO).
Sa 5-pahinang desisyon ng Branch 209 na may petsang Marso 12, 2019, sinabi ng korte na may merito ang argumento ng PECO laban sa Monte Oro Resources Energy (MORE) na binalak agawin ang mga naipundar na mga kagamitan, pasilidad at mga ari-arian ng PECO sa nakaraang higit 97 taon bilang tagasuplay ng kuryente sa Iloilo City at mga karatig-lugar.
Ang TRO ay tatagal sa loob ng 20 araw.
Umapela sa korte ang PECO upang kuwestyunin ang Republic Act 11212 na nagbibigay awtoridad sa MORE na kamkamin ang lahat ng mga naipundar ng PECO batay sa prinsipyo ng ‘eminent domain.’
Nagpahayag naman ng mariing pagtutol dito ang PECO dahil nilabag umano ng bagong batas ang karapatan nila para sa due process.
Ipinunto ng PECO na ang paglilipat ng prangkisa sa MORE ay maituturing na ‘arbitrary’ at ‘confiscatory’ dahil mistulang kinumpiska ng pamahalaan ang kanilang mga asset at ibinigay sa pribadong kumpanya.
Sinabi pa ng PECO na hindi rin naman nasunod ang mga requirements bago gawaran ng legislative franchise ang MORE dahil mga asset lamang din ng PECO ang gagamitin nito sa pagsusuplay ng kuryente sa lalawigan.
- Latest