Nurse, caregiver kailangan sa Japan
MANILA, Philippines — Nangangailangan ang Japan International Corporation of Welfare Services (JICWELS) ng kuwalipikadong aplikante upang punuan ang bakanteng posisyon para sa 50 nurse o kangoshi at 300 care worker o kaigofukushishi.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang mga aplikante para sa nurse ay dapat nagtapos ng Bachelor of Science in Nursing, mayroong PRC Board license, nagkaroon na ng tatlong taong karanasan sa ospital, at mayroong motibasyon na magtrabaho at mag-aral bilang candidate “Kangoshi” upang magkaroon ng National License sa Japan.
Samantala, ang mga nagnanais na mag-aplay bilang care worker ay dapat nagtapos ng anumang apat na taong kurso, mayroong certified NCII caregiver mula sa TESDA, at graduate ng Bachelor of Science in Nursing (mayroon o wala mang PRC license).
Ang mga matatanggap na candidate-nurse ay dapat na matapos ang unang anim na buwang onsite Japanese language training at dapat na sumailalim sa on-the-job training sa mga ospital. Dapat rin silang pumasa sa licensure examination sa Japan bago sila makapagtrabaho bilang registered nurse.
Ang mga candidate-caregiver, ay dapat ring matapos ang anim na buwang onsite language training at magtrabaho ng on-the-job sa loob ng tatlong taon bago sila kumuha ng national examination para sa mga caregiver at makapagtrabaho sa Japan.
Ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon ay sa Abril 30, 2019.
- Latest