^

Bansa

Labor Win: Sino sila?

James Relativo - Philstar.com
Labor Win: Sino sila?
Kilalanin ang "Labor Win" — isang koalisyon ng mga manggagawa't labor rights advocates na nangangakong dalhin ang boses ng masa sa loob ng Senado.
Facebook/Defend Job Philippines

MANILA, Philippines — Tanyag at bukambibig ng marami ang senatorial line up ng administrasyon (PDP-Laban, Hugpong ng Pagbabago) at oposisyon (Otso Diretso), ngunit bukod dito'y sasabak din sa kampanyang elektoral ang ilang marginalized groups para itaguyod diumano ang interes ng karaniwang tao.

Kilalanin ang "Labor Win" — isang koalisyon ng mga manggagawa't labor rights advocates na nangangakong dalhin ang boses ng masa sa loob ng Senado.

Nagmula sa magkakaribal na grupo, nagsanib pwersa sina dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, Bukluran ng mga Mangagawang Pilipino Chairperson Leody de Guzman, Federation of Free Workers President Sonny Matula, labor lawyer Allan Montaño at National Confederation of Labor head Ernesto Arellano para mabuo ang grupo.

Labor issues bibitbitin

Nagkakaisa ang Labor Win sa ilang susing usapin, gaya ng tuluyang pagbabasura ng kontraktwalisasyon.

"Kung sakali[ng] palarin na manalo sa Senado, isusulong ko yung trabahong regular, hindi kontraktwal," ani De Guzman na nagtrabaho bilang factory worker ng 12 taon.

"Dahil hindi kontraktwal ang pagbabayad ng kuryente, ng tubig ng tuition fee. Kaya dapat regular ang trabaho."

Dagdag ni Matula, isang dating obrero at ngayo'y abogado, magiging posible ang pagkakaroon ng malawakang regular na trabaho oras na mapabilis ang repormang agraryo, modernisasyon ng agrikultura at pambansang industriyalisasyon.

Nagbabala naman si Colmenares sa mga kandidatong laging banggit ang pagtapos ng kontraktwalisasyon ngunit 'di tumutupad sa pangako.

"[A]ng plataporma, madaling sabihin ng kahit sinong kandidato. Dapat po tingnan natin ang kandidato na hindi niya lang sinasabi ‘yan dahil may election kundi ginagawa niya at nilalaban na ‘yun bago pa man ang election," wika ni Colmenares.

Matatandaang isa sa mga naging campaign promises ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagwawakas sa "endo" o end of contract ng mga manggagawa. Gayunpaman, hindi pa rin tuluyang nawawala ang kontraktwalisasyon sa paggawa hanggang sa ngayon.

Kabilang din sa kanilang panawagan ay ang pagre-review o pagsususpinde ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law at Oil Deregulation Law na labis daw nagpapataas sa presyo ng bilihin gayung 'di naman tumataas ang sahod.

Serbisyong panlipunan

Kasama rin daw sa kanilang dadalhin ay ang pagtataguyod sa karapatan sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan.

Kanilang reklamo, hindi nakabubuti sa mamamayan ang pagpapaubaya ng mga ito sa mga negosyo.

Aniya, mas nagiging prayoridad ng pribadong sektor ang kita kaysa serbisyo.

"Ang problema sa ating educational system, privatized po ito," sabi ni Colmenares.

"[C]ommercialized ito. Ibig sabihin ng commercialized, profit ang motivation ng may-ari ng mga eskwelahan at hindi ‘yung edukasyon mismo. Ang paglaban po para dagdagan ang pondo sa edukasyon, ‘yan ang problema natin. Kaya dapat po dagdagan ‘yan."

Kanyang paliwanag, P51 bilyon ang kinaltas na pondo sa Department of Education sa 2019 budget.

Kilala rin si Colmenares na nagtulak ng naaprubahan nang pagtataas ng Social Security System pension para sa mga senior citizen.

Ito rin ang posisyon ni De Guzman pagdating sa kalusugan.

"Ang problem natin ay yung patakarang pina-privatize 'yung ating mga ospital. Sabit 'yun eh. Ginawang negosyo ang dapat sana ay serbisyo," sabi ni De Guzman na miyembro rin ng Partido Lakas ng Masa.

Inirehisro rin niya ang kanyang disgusto sa ginagawa ng ilang ospital na 'di pagtanggap ng mga pasyente kung walang pang-"down payment."

"Dapat akuin ng gobyerno, ng pamahalaan ang kalusugan ng ating mamamayan."

Giit naman ni Arellano, libre dapat ang serbisyong panlipunan.

"Meron tayong budget. Pwede itong kunin dito sa mga budget na nakalaan para sa mga representatives na P160 milyon. Meron din tayong P3 bilyon na alokasyon para sa bawat senador," sabi ng 78-anyos na abogado ng mga manggagawa.

Tunay na representasyon

Giit ng grupo, panahon na raw para baguhin ang kasalukuyang komposisyon ng Senado, bagay na pinaghaharian pa rin ng mga tradisyunal na pulitiko at mga may pera.

Sa pananaw ni Arellano, tila ginawa na lang ang eleksyon para sa mga milyunaryo.

Dahil dito, nahihirapan daw ang pagpapasa ng mga batas na tunay na papabor sa mahihirap, gaya ng pagtataas ng sweldo at pagpapamahagi ng lupa.

"Walang ibang tunay na makapagrerepresenta sa hanay ng mga magsasaka maliban mismo doon sa nanggaling sa hanay mismo ng mga magsasaka. Wala ring tunay na makapagrerepresenta sa mga manggagawa kundi mismo yung tagapagsilbi ng mga manggagawa," wika ni Montaño.

Sinegundahan naman 'yan ni De Guzman sa naganap na debate noong Linggo.

"Pangarap ko sa Senado ay maging Senado ng manggagawa at ng masang Pilipino, hindi ng elitista at ng mga trapo na siyang nangyari sa mahabang panahon."

Noong ika-24 ng Pebrero, matatandaang hinamon ng Labor Win sa debate ang parehong Hugpong ng Pagbabago at Otso Diretso hinggil sa mga isyung panlipunan.

2019 MIDTERM ELECTIONS

ALLAN MONTAÑO

ERNESTO ARELLANO

LABOR WIN

LEODY DE GUZMAN

NERI COLMENARES

SONNY MATULA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with