^

Bansa

Bayan Muna: Duterte mali, ebidensya ng pagnanakaw ni Marcos 'malakas'

James Relativo - Philstar.com
Bayan Muna: Duterte mali, ebidensya ng pagnanakaw ni Marcos 'malakas'
Kuha ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
File

MANILA, Philippines — Batikos ang inabot ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos sabihing walang pruwebang nagnakaw ang dating Pangulong Ferdinand Marcos mula sa kaban ng bayan.

Ilan sa mga nabahala sa komento ng pangulo ay ang grupong Bayan Muna at ilang kandidato sa 2019 midterm elections.

Sabi ng Otso Diretso senatorial bet na si Atty. Florin Hilbay, tila nakalilimutan na yata ng pangulo ang ilang bagay.

"Dapat sigurong ipaalala kay pangulo na last year lang, naglabas tayo ng compensation para sa mga biktima ng martial law, at ang pumundo ay ang mga nabawing nakaw na yaman ng pamilya Marcos," wika ni Hilbay.

Kinumpirma ngayong araw ni Executive Secretary Salvador Medialdea na inaprubahan ni Duterte ang joint resolution na magpapalawig sa validity ng compensation para sa mga biktima ng martial law hanggang ika-31 ng Disyembre 2019.

Aabot sa 11,103 biktima ang makatatanggap ng indemnification mula sa P10 bilyong Swiss bank deposits ng pamilyang Marcos.

"Kung hindi nagnakaw iyong mga Marcoses, kanino galing ang mga perang nabawi?" kanyang dagdag.

Sa kabila ng nasabing pag-apruba ng pangulo, maaalalang sinabi ni Duterte na wala pang napatutunayan sa mga alegasyon sa yumaong diktador.

“Until now you have not proven anything except to sequester and sell – hindi mo nga sigurado kung talagang kay Marcos ba ‘yan? Hindi," banggit ni Digong noong Martes.

Binitawan ni Duterte ang mga nasabing kataga habang ipinagtatanggol ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Pruweba vs Marcos 'malakas'

Samantala, nanindigan naman si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na malakas ang mga ebidensya laban sa dating "strongman."

Ayon kay Zarate, tinatayang 33 porsyento ng inutang ng bansa sa ilalim ng kanyang termino ang ibinulsa ng dating pangulo at kanyang mga "crony."

"Former Solicitor General Frank Chavez pegs at $13.4 billion the money deposited by Marcos and his family in various Swiss banks. The Marcoses still face numerous cases in court in relation to this amassed loot. So, the links of the Marcoses to ill-gotten wealth are indeed strong," ayon kay Zarate.

Papalo sa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang diumano'y nakaw na yaman ng mga Marcos ayon sa Presidential Commission on Good Government.

Nagtala naman ng mga ebidensya si Bayan Muna chairperson at Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares patungkol sa nasabing korapsyon.

Ilan na raw rito ay ang desisyon ng Swiss Federal Supreme Court na magbabalik sa $680 Marcos Swiss deposits sa Pilipinas sa ilalim ng dalawang kondisyon: isang "final and executory" desisyon ng korte ng Pilipinas at pamamahagi ng pondo sa 7,526 martial law victims na nanalo ng class suit sa Honolulu court noong 2011.

Taong 2003, nagdesisyon ang Korte Suprema pabor sa Pilipinas dahilan para i-forfeit ang US$658 milyong Swiss deposit accounts.

Ayon kay Colmenares, aabot sa P10 bilyon ang iniremit ng PCGG para sa compensation ng 10,000 human rights victims noong 2004.

Nakuha naman daw ang huling bahagi ng accounts na nakakahalaga ng P1.3 billion kasama ang interes, matapos magdesisyon ng Singapore Supreme Court na nasa Philippine National Bank ang mga ligal na titulo sa mga deposito.

Maliban dito, naglabas din ng ruling ang Korte Suprema na anumang lumagpas sa "total legal income" ng mga Marcoses na $304,372.43 mula 1965 haggang 1986 ay ipinagpapalagay na nakaw.

"The Marcos compensation law that I authored gave an equivalent of 10 billion pesos from their Swiss ill-gotten wealth to the more than 10,000 Marcos human rights victims," dagdag ni Colmenares, na nagsilbi ring kinatawan ng Bayan Muna noon.

Paliwanag pa ng dating mambabatas, umabot din daw sa P20 bilyon pondo mula sa "ill-gotten wealth" ang ginamit ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa agrarian reform.

"Furthermore, the Hawaii court just wrote me yesterday about $31 million worth of painting from the Imelda collection to be distributed to their human rights victims," ani Colmenares, na tumatakbo sa pagkasenador sa ikalawang pagkakataon.

"So the facts are clear and President Duterte is wrong."

BAYAN MUNA

FERDINAND MARCOS

FLORIN HILBAY

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with