9 sa 10 illegal foreign workers sa bansa, Chinese
MANILA, Philippines — Itutuloy ng Senado ang pagdinig tungkol sa pagdagsa ng mga banyagang manggagawa sa bansa matapos matuklasan na 9 sa 10 illegal foreign workers sa Pilipinas ay nagmula sa China.
Ayon kay Sen. Joel Villanueva, base sa impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI), 95 percent ng kanilang mga naaresto ay mga Chinese nationals.
Sa 167 foreign nationals na naaresto at nakasuhan sa korte dahil sa iba’t ibang krimen, 159 sa mga ito ay kinakasangkutan ng mga mamamayan mula sa China.
Kasama sa mga nasampahan ng kaso ng NBI ay anim na indibiduwal mula sa Taiwan, isang Korean at isang Liberia.
Umabot naman sa 114 indibiduwal mula sa China ang naaresto dahil sa iligal na online gambling.
Sinabi ni Villanueva na lumalabas na sa patuloy na pagdagsa ng mga illegal foreign workers sa bansa ay tila hindi pinapahalagahan ng ilang opisyal ng gobyerno ang probisyon sa Konstitusyon na nagbibigay ng halaga sa mga manggagawang Filipino.
Noong 2016, nauna ng isinulong ni Villanueva na imbestigahan ang pagdagsa ng mga illegal foreign workers sa Pilipinas matapos maaresto ang nasa 1,000 Chinese na nagtatrabaho sa casino sa Clark.
- Latest