Pag-apruba sa bitay para sa drug possession iniatras ng Kamara
MANILA, Philippines — Binawi ng House of Representatives ang kanilang pagpasa sa parusang bitay para sa mga mahuhulihan ng droga sa mga pagtitipon tulad ng parties at mga pulong.
Kahapon, tinanggal sa plenaryo ang House Bill 8909 na magtataas ng parusa sa mga lalabag sa Dangerous Drugs law mula sa panghabambuhay na kulong papunta sa kamatayan.
Hindi pa naman klaro ang dahilan sa pagbawi dito ng House.
Sa botong 172-0, nauna nang inaprubahan ng Kamara noong Lunes ang panukalang aamyenda sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165).
Ibinasura noong 2006 ang parusang kamatayan sa ilalim ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Si House Speaker at Pampangga Rep. Arroyo rin ang isa sa mga principal authors ng panukala.
Bago pa ito naibasura sa pamamagitan ng Republic Act No. 9346, dati nang pinaparusahan ng kamatayan ang mga lumalabag dito.
Boto ni Arroyo laban sa pagbabalik ng bitay ang dahilan kung bakit nawala sa kanya ang deputy speakership noong 2017 sa ilalim ng House leadership ni Pantaleon Alvarez. Sinabi kasi ni Alvarez noon na may kalalagyan ang mga tututol sa paninindigan ng administrasyon sa death penalty.
Sa ilalim ng Section 13 ng HB 8909, haharap sa life imprisonment hanggang kamatayan ang mga makikitaan ng iligal na droga sa parties, social gatherings or meetings. Pagmumultahin din sila ng mula P500,000 hanggang P10 milyon.
Pinalawig din nito ang pakahulugan sa drug trafficking. Isinama na rin dito ang "illegal cultivation, culture, delivery, administration, dispensation, manufacture, sale, trading, transportation, distribution, importation, exportation, chemical diversion” at pagkakaroon ng "precursor chemicals."
Layon din ng panukala na parusan ang mga magluluwas ng droga papunta ng ibang bansa. Sa ngayon kasi, tanging ang pag-aangkat ng droga papasok ng Pilipinas ang pinarurusahan.
Magiging tatlong buwan na lang din sa ilalim nito ang validity ng certificates na ibinibigay sa drug testing centers na sa ngayo'y isang taon.
Oobligahan din nito ang drug testing para sa mga atleta dalawang beses sa isang taon.
“I am fully aware of the dangers, as well as the irreparable damage, that this menace has brought our people, our children and how the entire future of our country has been compromised,” ayon kay Surigao del Norte rep. Robert Ace Barber, chairperson ng House committee on dangerous drugs.
(Alam ko ang mga panganib, pati ang 'di mawawalang pinsala, na naidulot nito sa ating mamamayan, mga anak at kung paano nakompromismo ang kinabukasan ng ating bansa.)
“Senseless killings, irreversible brain damage and a completely wasted populace are but some of the realities we face with the proliferation of illegal drugs,” dagdag niya.
(Walang saysay na mga patayan, irreversable brain damage, at mga sinayang na tao, ilan lang 'yan sa mga realidad na hinaharap natin dahil sa pagkalat ng iligal na droga.)
Sinabi naman ni Sen. Joseph Victor "JV" Ejercito na gusto niyang maamyendahan ang RA 9165 para mapadali ang pagkuha ng medical cannabis kaysa gumawa ng panibagong batas para roon.
“We will look at the rules of the RA and FDA (Food and Drug Administration) rules and regulations to make it easier and make it (medical cannabis) cheaper as we found out masyadong mahal (so expensive). As long as there is safeguard against abuse,” sabi ni Ejercito sa mga mamahayag matapos ang pagdinig dito ng Senate committe on health and demography.
(Titignan namin ang mga panuntunan ng RA at FDA rules and regulations para mapadali at mapamura ang medical cannabis kasi nalaman naming masyadong mahal. Basta may safeguard mula sa pag-abuso nito.)
Tatanungin naman daw niya ang Dangerous Drugs Board at FDA kung maaaring maibigay na nito sa mga may sakit habang pinag-uusapan pa nila ang panukala.
Dumalo rin sa Senate hearing kahapon ang ilang opisyal ng Department of Health, mga doktor mula sa iba't ibang ospital, maging mga magulang at pasyenteng nangangailangan ng medical cannabis.
- Latest