Motorsiklo bilang public transpo, pag-aaralan ng DOTr
MANILA, Philippines — Kinakailangan pa raw ng masusing pag-aaral at deliberasyon kung papagayang pumasada ang mga motorsiklo, ayon sa Department of Transportation matapos himukin ng House panel ang ahensya na pagayan na ito.
Maaalalang ipinatigil ng Korte Suprema ang operasyon ng Angkas noong Disyembre 2018 matapos maglabas ng temporary restraining order laban sa ruling ng korte na pumipigil sa paghuli ng kanilang mga driver.
“Sa kabila ng mga panukala ng Kamara, payo ng iba ay dapat nang hayaan ang mga motorsiklo na maging public transport sa lalong madaling panahon, kahit hindi pa naaamyendahan ang Land Transportation Traffic Code,” ayon sa pahayag ng DOTr sa Ingles.
Iniutos na rin daw ni transport Sec. Arthur Tugade na lumikha ng technical working group para malaman kung angkop gamitin sa public transport ang mga motorsiklo.
Nakatakdang magpulong ang TWG sa Biyernes para pag-usapan kung anong klase ng mga motorsiklo ang pwedeng bigyan ng prangkisa, anong minimum cubic centimeter capacity ang kailangan, bilis tuwing bumabyahe, ruta ng prankisa, isyu sa kaligtasan, helmet requirements, at training requirements sa motorcycle riders na gustong maging tsuper.
“Umaasa ang DOTr na sa pamamagitan ng pag-uusap ng TWG, magkakaroon ng oportunidad ang lahat ng sektor para maipahiwatig ang kani-kanilang saloobin at marinig, at higit sa lahat, magkaroon ng kasunduan tungo sa kaligtasan, seguridad, at kaginhawaan ng ating mga pasahero,” sabi ng DOTr.
Inudyok naman ng House Committee on Metro Manila Development ang DOTr noong Lunes na gumawa ng kautusan na magre-regula sa motorcycle ride-sharing services.
- Latest