PNP bawal nang 'tumoma' sa publiko
MANILA, Philippines — Haharap sa kasong administratibo ang mga pulis na mahuhuling iinom ng alak sa mga pampublikong lugar.
Iniutos na kasi ni Department of the Interior and Local Government Sec. Educardo Año sa pamunuan ng Philippine National Police na maglabas ng circular kaugnay nito.
Ibinatay ito sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes na layuan ng mga pulis at sundalo ang mga bar.
“Kayong mga pulis, I’m warning you: do not drink in public. Sa Davao pinagbawalan ko ‘yan pati kayo na ngayon. All over the Philippines, you do not enter into drinking places (Kayong mga pulis, binabalaan ko kayo: huwag kayong iinom sa publiko. Sa Davao pinagbawalan ko ‘yan pati kayo na ngayon. Sa buong Pilipinas, huwag kayong papasok sa mga inuman),” ayon kay Duterte.
Ayon kay Año, kabilang sa trabaho ng mga alagad ng batas na mapanatili ang respeto at tiwala ng mamamayan.
Maaaring patawan ng "dereliction of duty," "insubordination," at "gross neglect of duty" ang mga mapapatunayang susuway sa kautusan.
"Hindi pwedeng amoy tsiko at wala sa katinuan ang mga pulis kapag nasa labas kasi parang ipinapahiwatig na rin nating walang disiplina ang mga uniformed personnel. Respetuhin niyo ang tsapa't uniporme niyo," ani Año sa Ingles.
Suhestyon ng dating hepe ng militar, sa bahay na lang uminom kung gugustuhin.
- Latest