Nadisgrasya sa paputok bumaba ng 68%
MANILA, Philippines — Bumulusok pababa mula 428 noong 2017 patungong 139 ang nabiktima ng selebrasyon ng Bagong Taon ayon sa Department of Health (DOH).
Dahil dito, 68 porsyento ang ibinaba ng mga nadisgrasya mula ika-21 ng Disyembre hanggang ika-una ng Enero ayon kay Dr. Francisco Duque III, Kalihim ng DOH sa isang press conference sa East Avenue Medical Center kanina.
Ikinatuwa naman ito ni Duque at sinabing nakatulong ang kampanya ng pananakot bilang stratehiya.
"Ibinalik na naman natin yung mga [litrato ng] nasunugan, nasabugan ng kamay... For a while nawala 'yan e, so we put it back," dagdag ng Kalihim.
Kwitis numero uno sa listahan
Ayon kay Duque, 30 sa firecracker related injuries ay dahil sa kwitis, 16 sa boga, 15 sa piccolo, walo sa lusis, at pito sa 5 Star at triangle.
Karamihan naman sa isinugod sa ospital ay sa kalsada nadali ng paputok.
Ikinalungkot naman ni Duque na may dalawang nasaktan sa mga itinayong community fireworks display.
"It is rather unfortunate... kasi ito na nga, designated fireworks display area pero ito, meron pa rin sumasabit," dagdag ng Kalihim.
'Zero indiscriminate firing'
Ipinagmalaki rin ng departamento na walang namatay at naging biktima ng ligaw na bala ngayong taon.
Ngunit ayon sa Philippine National Police (PNP), nakatala sila ng tatlong insidente ng indiscriminate firing.
"Nandito sa record natin, isa sa NCRPO, isa sa PRO COR, isa po sa PRO 11. Meron isang injured," pahayag ni PSSupt. Cecillo Ison, OIC ng Public Safety Division ng PNP.
Pero paglilinaw ni Duque, hindi nila binibilang ang mga ganitong ligaw na bala dahil wala itong kuneksyon sa pagdiriwang ng New Year.
"Yung sa DOH, we definite it as nagpaputok sa taas tapos bumaba. Sa kanila [PNP] kasi, kahit na yung bullet ay horizontal ang trajectory, counted na 'yon... Sa kanila naputukan lang, kahit na bahay," dagdag ni Duque.
Inaasahan naman daw ng DOH na tataas pa ang bilang dahil may mga ulat pa na dumarating mula sa mga rehiyon.
Pinayuhan ni Duque na bantayan ng mga magulang ang mga anak kahit na tapos na ang mga selebrasyon. Aniya, maaari pa rin kasing sumabot kahit ang mga nabasang paputok sa kalsada kapag naarawan at sinindihan ng mga batang namumulot.
Bagama't maraming hindi naputukan, pinaalalahanan naman ni Duque ang publiko na dahan-dahan lang sa pagkain ng matatamis, maaalat, at masesebo.
Sa tuwing Kapaskuhan at Bagong Taon daw ay tumataas ng kaso ng stroke at hypertension.
"Kurot-kurot lang, mapupuno rin ang tiyan mo kakukurot... baka mapunta ka sa ICU or sa I see you no more," pagbibiro ni Duque.
- Latest