Mag-amang Garin isinuko na ang mga armas
MANILA, Philippines — Isinurender na kahapon nina Iloilo Mayor Oscar Garin at anak nitong si Iloilo 1st District Rep. Richard Garin ang 14 armas ng mga ito matapos kanselahin ni PNP Chief P/Director Oscar Albayalde ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR ) ng mag-ama.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. John Bulalacao, si Mayor Garin ay nag-turnover ng 12 gauge shotgun at apat na cal. 45 pistols habang siyam na rifles at pistola ang isinurender ni Rep. Garin.
Si Rep. Garin ay nasangkot sa pambubugbog at pandudura kay PO3 Federico Macaya Jr. habang ang biktima ay tinututukan naman ng baril ng alkalde sa pampublikong plaza ng Guimbal, Iloilo nitong Disyembre 26.
Ang nasabing mga armas ay ipinasuko ng mag-ama sa isa nilang kamag-anak na si Iloilo Vice Gov. Christine Garin.
Sa rekord ng PNP, ang mag-amang Garin ay ?may 19 armas, 8 dito ay expired na ang mga lisensya.
Kamakalawa ay sinampahan na ng pulisya ang mag-ama ng pitong kasong kriminal at apat na kasong administratibo na isinampa ng pulisya sa Ombudsman ng Visayas.
Kaugnay nito, iimbestigahan din ng PNP ang pribadong security agency na pag-aari ng mag-amang Garin upang alamin kung lisensyado ang mga armas dito at kung ginagamit ng mga ito ang kanilang mga security guards bilang mga security escorts na dapat ay may go signal ng pulisya at unipormado.
- Latest