PCG sa mga pasahero: Mag-ingat sa kolorum
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pasahero laban sa kolorum na mga bangkang mag-aalok na magtawid sa kanila sa dagat.
Ayon kay PCG Spokesman Capt. Armand Balilo, hinikayat niya ang publiko na huwag tangkilikin ang mga kolorum na bangka.
“Wala pong mga life-saving equipment ‘yan. Delikado po ‘yan,” ayon kay Balilo.
Sinabi ni Balilo, kapag hindi dumaan sa coast guard o anumang clearing unit ang bangka, ito ay kolorum.
Kung mukha umanong fishing boat at walang life jackets sa loob ng bangka ay dapat na magduda rin na kolorum ito.
Gayunman, mahigpit na babantayan ng PCG ang mga bangkang tatanggap ng pasahero na lampas sa kanilang kapasidad.
“Sa buong Pilipinas po, mayroon kaming directive na hulihin kung sinuman ang mga bangkang magdadagdag ng bilang,” dagdag pa ni Balilo.
Katulad ng inaasahan, makapal na rin ang bilang ng mga taong pumupunta sa mga pantalan para makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.
Tiniyak naman niya ang seguridad ng mga biyahero at ipinaalala ang pagbabawal na magpuslit ng paputok.
Sinabi ni Balilo na hindi na dapat tangkain na magpuslit ng paputok dahil maraming nagbabantay na inspector.
- Latest