Lizada inilipat sa CSC
MANILA, Philippines — Binigyan ng bagong puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating LTFRB spokesperson at board member Aileen Lizada.
Sa inilabas na appointment paper ng Malacañang, itinalaga ni Pangulong Duterte si Lizada sa Civil Service Commission (CSC) bilang Commissioner.
Nilagdaan ng Presidente ang appointment paper ni Lizada nitong Nobyembre 9.
Si Lizada ay magsisilbing commissioner ng CSC na may terminong magtatagal hanggang February 2, 2025 kapalit ni Robert Martinez.
Sinasabing tumindi ang mga reklamo ng mamamayan hinggil sa mabagal na pagkilos ng LTFRB sa mga papeles na nailalatag sa ahensiya dulot ng hindi magkasundong pangangasiwa sa tanggapan ni LTFRB Chairman Martin Delgra at Lizada kaya nagdesisyon umano ang Malakanyang na alisin ang isa sa mga ito sa ahensiya.
Tumindi pa ang iringan ni Delgra at Lizada nang magpalabas ng kautusan ang LTFRB hinggil sa pasahe sa jeep at bus na umano’y hindi sinang-ayunan at hindi nilagdaan ng huli.
Samantala, itinalaga rin ni Pangulong Duterte bilang Undersecretary ng Dep’t of Agriculture si Waldo Reyes Carpio, bayaw ni Davao City Mayor Sara Duterte at kapatid ng kanyang mister na si Atty. Mans Carpio.
Hinirang naman ng Pangulo bilang ambassador extraordinary and plenipotentiary for the republic of Chile si Teresita Cruz Daza. (Angie dela Cruz)
- Latest