Inilipat na informal settlers wala pa ring tubig
MANILA, Philippines — Wala pa ring supply ng tubig hanggang sa kasalukuyan ang mga residente ng San Juan del Monte City na dating mga informal settler sa ilang squatter’s area sa Metro Manila.
Hindi pa umano ibinibigay ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang tubig na ipinangako nitong ibigay kapalit ng paglipat sa Bulacan ng mahigit 20,000 pamilyang informal settler mula sa kalakhang Maynila.
Sa isang privilege speech sa Kamara kamakailan, kinondena ni SJDM Rep. Florida “Rida” Robes ang patuloy na pagtanggi ng MWSS na ibigay ang 30 milyong litro na tubig na ipinangako nito para sa mga dating informal settlers o squatters sa Metro Manila sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na pinirmahan noong Enero 28, 2014 kasama ang Provincial Government ng Bulacan, ang Local Water Utilities Administration at ang San Jose Del Monte Water District.
Sa ilalim ng nasabing MOA, ipinangako ng pamahalaan na bibigyan ng karampatang serbisyo gaya ng sapat na malinis na tubig ang 25,920 na pamilya na mga dating informal settlers sa Metro Manila.
Sinabi niya na magiging kawawa rin ang dagdag na 5,000 informal settler families na ililipat ng pamahalaan sa kanyang distrito bago matapos ang taong 2018 kung hindi ibibigay ng MWSS ang 30-milyong litrong tubig na ipinangako nito para sa San Juan del Monte.
Noong 2017, kinumpleto na ng San Jose Water District ang pagtatayo ng 10-million litrong capacity treatment plant upang madagdagan ang supply ng tubig sa siyudad. Ang problema lang ay wala pa ring naibibigay na tubig kahit isang patak ang MWSS o ang Common Purpose Facilities Operations para dito, ayon kay Robes.
Isang kasinungalingan anya na hindi handa ang San Juan del Monte para sa dagdag na supply ng tubig, lalo pa at talagang natutuyo ang mga lalamunan ng mga kawawang pamilya na pinalipat sa San Jose del Monte galing sa mga informal settlers’ areas sa Metro Manila.
- Latest