29 kasunduan pinirmahan ng Pinas at China
MANILA, Philippines — Nasa 29 na kasunduan, kontrata at loan agreements ang sinaksihan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na nilagdaan ng Pilipinas at China, sa Malacañang kagabi bilang bahagi ng 2-araw na state visit ng lider ng China sa Pilipinas.
Bandang alas-4:30 ng hapon ng dumating si President Xi sa Malacañang grounds mula sa pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat. Jose Rizal sa Luneta Park.
Sinalubong si Xi ni Pangulong Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa Kalayaan grounds kung saan ay binigyan ito ng arrival honors.
Sinabi ni Xi, kuntento siyang makita ang magandang development sa relasyon ng Pilipinas at China.
“We have met six times over the past 2 years…. We are each other’s good friends. It is my great pleasure as scheduled to visit your beautiful country. I thank you for your gracious invitation and warm hospitality,” wika ni Xi sa kanyang opening statement.
“We have turned a new page and we are ready to write a new chapter of openness and cooperation. I look forward to fruitful discussions today as we review the progress we have made and chart the course towards a further enhanced partnership. For the Philippines, this is more than a reciprocal visit. It is a historic occasion, the very first state visit to be made by Chinese president in 13 years,” wika naman ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa 29 na kasunduan ang 22 Memorandum of Understanding kasama ang MOU on cooperation on oil and gas exploration na nilagdaan nina DFA Sec. Teodoro Locsin at Minister of Foreign Affairs Wang Yi.
Para sa pangulo ng China, parehong bansa ang makikinabang sa kanyang pagbisita at nawa’y magdulot umano ito ng pangmatagalang kooperasyon para sa ikauunlad ng bawat isa.
Mamaya bandang ala-1:30 ng hapon ay nakatakdang bumalik na rin sa Beijing si President Xi.
Itinuturing na makasaysayan ang pagbisita ni Xi matapos ang 13 taon na huling bumisita sa Pilipinas ang pangulo ng China na si President Hu Jintao noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (Lordeth Bonilla)
Related video:
- Latest