Apela ni Jeane Napoles inisnab ng Tax court
MANILA, Philippines — Inisnab kahapon ng Court of Tax Appeals (CTA) ang apela ni Jeane Catherine Napoles, anak ng umano’y pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles na huwag na siyang pagbayarin ng buwis sa kanyang Los Angeles apartment na may halagang P40.03-million tax assessment para sa taong 2011 at 2012.
Bagamat pinawalang sala si Jeane ng Third Division noong Dis. 6, 2017 sa pagkabigo nitong mag-file ng income tax returns dahil sa kakulangan sa ebidensiya, nananatili naman itong liable na bayaran ang buwis sa kanyang $1.2-million apartment sa Ritz-Carlton, Los Angeles para sa dalawang taon.
Inisnab ng tax court ang argumento ng batang Napoles na siya ay isang overseas student na walang trabaho at kita kayat walang kakayahan na magbayad ng buwis.
Ang apartment anya ay bahagi ng allowance na naibibigay sa kanya ng kanyang mga magulang.
Sinasabing ang maluhong buhay ng batang Napoles ay may kaugnayan sa pagkulimbat ng ina nito sa pork barrel ng mga mambabatas na nailaan sa mga pinekeng foundations nito noon.
Una nang sinabi ng US Department of Justice na ang batang Napoles ay nakipagkutsabahan sa kanyang pamilya para makakulimbat ng $20 milyong public funds sa pamamagitan ng Southern California bank accounts.
Ang naturang pondo umano ang ginamit sa pagbili ng real estate, business shares at magarbong sasakyang Porsche Boxster nito.
- Latest