Mga kandidato binalaan sa electioneering sa mga biktima ni Rosita
MANILA, Philippines — Binalaan ng National Disaster Risk Reduction Center (NDRRMC) ang mga kandidato laban sa electioneering o maagang pangangampanya kaugnay ng paghahatid ng tulong sa mga biktma ng bagyong Rosita.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Edgar Posadas, ipinaaalala nila sa mga kandidato na makakasuhan ang mga ito kapag nagsamantala o kung hahaluan ng pangangampanya ang paghahatid ng tulong sa mga biktima lalo na sa mga evacuees.
“We are warning the candidates to refrain from electioneering, bawal po eto,” pahayag ni Posadas.
Ang campaign period sa midterm elections ay itinakda ng Comelec sa Pebrero 2019 para sa mga tatakbo sa lokal na posisyon habang sa Marso sa mga kandidato sa national post.
Tinukoy ni Posadas na karaniwan na sa simpleng pangangampanya ng maaga ng mga kandidato ay lagyan o samahan ng mga t-shirts na may mga pangalan ng mga ito ang mga relief goods na kanilang ipinamamahagi sa mga evacuees mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Gayundin ang mga eco bag na pinaglalagyan ng mga relief goods ay may mga pangalan ng mga ito at may halo ring iba pang campaign materials.
Kaugnay nito, umaabot na sa 60,360 pamilya o 229,846 katao ang mga biktima ng bagyong Rosita sa 1,360 barangays sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Eastern Visayas at Cordillera Region.
Sinabi ni Posadas sa nasabing bilang ay nasa 247 pamilya o 640 katao ang nananatili pa rin at kinakanlong sa 21 mga evacuation centers.
Sa report ng NDRRMC nakapagtala ito ng 16 patay at 21 pa ang nawawala na karamihan ay sa landslide.
Gayunman, sa pinagsamang tala ng Regional Police Offices at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ay aabot na sa 24 ang death toll.
- Latest