Taas-singil sa buwis sa lupa sa 2020 pa ipatutupad
Sa Quezon City
MANILA, Philippines — Sa taong 2020 pa maipatutupad ng Quezon City government ang paniningil ng dagdag na buwis sa mga lupain sa lungsod.
Ito ang inanunsiyo ng QC Council sa pamumuno ni QC Vice Mayor Joy Belmonte na naglalayong hindi madagdagan sa kasalukuyan ang mga gastusin ng mga taga -lungsod na una nang naapektuhan ng taas presyo ng bilihin, bayarin sa serbisyo sa tubig at kuryente at epekto ng taas pasahe at oil price hike.
Sa kanyang panig, sinabi ni QC majority leader Franz Pumaren, binubusisi na ang paglalabas ng isang kautusan sa QC na magpapaliban sa implementasyon ng isang ordinansa na nagtataas ng bayarin sa real property tax.
Noong 2016 ay naipagpaliban na ang pagpapatupad ng ordinansa na nagtataas sa singil sa real property tax pero may nagreklamo at nagpetisyon sa Korte Suprema. Ang SC ay nagpalabas ng TRO hinggil dito noong 2016 para hadlangan ang ordinansa.
Pero nitong nagdaang Oktubre 2018 ay tinanggal na ng SC ang TRO. Agad namang nagsabi ang QC Council na gumagawa na agad sila ng hakbang para hindi muna maipatupad ang ordinansa sa taas singil sa property tax ngayong 2018 hanggang 2019 upang ituloy na lamang ang pagpapatupad nito sa 2020.
Ang mga nagsipagbayad na ng taas sa real property tax ay aayusin na lamang ng Treasurers Office para hindi sila masingil sa 2020.
Niliwanag naman ni Pumaren na magiging minimal lamang naman ang taas singil sa property tax, hindi kasingtaas ng sa ibang lokalidad sa Metro Manila.
Sinabi ni Pumaren na oras na maipatupad na ang ordinansa sa 2020 aabutin ng P300 milyon ang dagdag na koleksiyon ng QC government sa unang taong implementasyon nito.
- Latest