Malay mayor sinuspinde ng Ombudsman
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sinuspinde na ng Office of the Ombudsman si Malay town Mayor Ciceron Cawaling, bunsod ng kasong kinakaharap nito na nag-ugat sa umano’y pagpapabaya na nagresulta sa pagkakaroon ng mga problemang pangkalikasan sa Isla ng Boracay.
Ayon kay DILG officer-in-charge-Secretary Eduardo Año, epektibo na ang suspensiyon ni Cawaling kahapon, Oktubre 25, 2018 at ang DILG mismo ang magsisilbi ng suspension order laban sa kanya.
Bunsod naman ng suspensiyon kay Cawaling, si Vice Mayor Abram Sualog muna ang magsisilbi bilang acting Mayor ng bayan ng Malay, na siyang nakakasakop sa Boracay Island.
Matatandaang Hunyo 2018 nang sampahan ng DILG ng kasong kriminal at administratibo ang 17 opisyal ng lalawigan ng Aklan, kabilang sina Cawaling at Sualog, dahil sa kapabayaan na nagresulta sa mga environmental problems sa Boracay.
Ang kaso ay inihain sa Ombudsman, dalawang buwan matapos isara ang naturang pangunahing tourist spot sa bansa noong Abril 26, 2018.
Matapos naman ang anim na buwang rehabilitasyon sa isla ay nakatakda na itong buksan sa publiko ngayong araw, Oktubre 26.
- Latest