Xiamen nagbayad ng paunang P16-M
MANILA, Philippines — Nagbigay na umano ng paunang bayad na P16 milyon ang Xiamen Air sa gobyerno ng Pilipinas kasunod ng pagsadsad ng kanilang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Agosto.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, naipadala na ng Xiamen ang unang tranche ng kanilang bayad.
“Sila po ay nag-deposito na… Money transfer, around mga more or less… More than P16 million ang unang tranche ho nila,” wika ni Monreal.
Sakop umano ng inisyal na bayad ang mga ginastos noong bumalahaw ang Xiamen Air Flight MF8667 sa Runway 06/24 ng NAIA,dahilan para makansela at maantala ang ilang mga flights.
Nagbunga rin ang insidente ng pagkaperwisyo ng libu-libong pasahero na tumagal ng ilang araw.
Inaasahan din ng MIAA na makatatanggap sila ng panibagong P16-milyon, na dagdag singil para sa naturang insidente.
Samantala, bago matapos ang taon ay posibleng ilabas na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Aircraft Investigation and Inquiry Board ang resulta ng imbestigayon sa nangyaring pagsadsad ng Xiamen sa NAIA.
Ayon kay CAAP Deputy Director General Don Mendoza sa ngayon bawat anggulo ay tinitingnang maigi ng investigation board.
Kabilang na rito ang pilot error, environmental conditions, kondisyon ng runway at iba pa.
- Latest