‘Drug haven’ sa QC, sinalakay; 50 arestado
MANILA, Philippines — May 50 drug suspects ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang pagsalakay kamakalawa sa Sitio San Roque, sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City, na itinuturing na isang umano’y ‘drug haven.’
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., dakong alas-7:00 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad laban kina Zenaida Masdo, 58, at Alma Lopez, 41, sa isang umano’y drug den sa Libra St., na nagresulta sa pagkakaaresto ng siyam na iba pang nahuling nagpa-pot session at pagkakumpiska ng limang pakete ng shabu, drug paraphernalia at buy-bust money.
Sa isang hiwalay na buy-bust operation sa 103 Aries St., nang maaresto ang 13 iba pang drug suspects.
Nasa 11 pang drug suspects naman ang inaresto matapos na maaktuhang bumabatak din ng illegal na droga sa Aries St. Sila ay nahulihan ng tatlong pakete ng shabu at mga drug paraphernalia.
May walong drug suspects naman ang naaresto habang nagsa-shabu session sa loob ng isang barung-barong sa Sitio San Roque.
Sa katabing barung-barong naman sa naturang lugar din naaresto ang pito pang drug suspects habang sumisinghot ng shabu na nakuhanan ng apat na pakete ng shabu at mga drug paraphernalia.
Ayon kay Esquivel, ang naturang magkakasunod na operasyon ay isinagawa bilang offshoot ng mga naunang anti-illegal drug operations na isinagawa ng Cubao Police Station 7 (PS-7), na nagtuturo sa Sitio San Roque sa Brgy. Bagong Pag-asa bilang siyang ‘source’ o pinagkukunan ng mga illegal drugs.
Aniya, posibleng matagal na ang naturang ‘drug haven’ dahil hindi lang mga residente sa lugar ang gumagamit ng droga roon, kundi mga taga-iba ring lugar.
“Talagang parang haven itong lugar na ito. Talagang hindi namin titigilan itong lugar na ito,” aniya. “Lalo pa natin paiigtingin, i-account ang lahat ng barangay para wala nang ganito.”
Ang mga suspek ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ng PS-7 at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest