Search, retrieval ops sa Cebu landslide ititigil na
MANILA, Philippines — Dahilan sa peligro sa buhay at kalusugan, ititigil na ngayong araw ng search and retrieval team ang paghuhukay sa mga residenteng nalibing nang buhay sa landslide sa Naga City, Cebu.
Ayon kay Concepcion Ornopia, regional director ng Office of Civil Defense (OCD) VII, hanggang alas-12 na lamang ng tanghali ngayong Miyerkules ganap ng ihihinto ang paghuhukay sa nalalabi pang mga bangkay na natabunan ng guho.
Umaabot na sa 72 ang nahukay na katawan sa Brgy. Tina-an at Naalad at 10 pa ang missing.
Inihayag ni Ornopia na masyadong delikado na sa mga rescuers ang maghukay pa dahil malambot na ang lupa at bukod dito ay masyadong masangsang na ang amoy sa lugar bunga ng mga nabubulok na bangkay na peligroso na rin sa kalusugan.
“Yung sa assessment ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) yung surrounding areas very risky na rin pa sa mga responders, malambot masyado yung lupa kaya nga kahit konting ulan itinitigil yung retrieval,” anang opisyal.
Sa 72 narekober na bangkay, 65 dito ang buo pa; lima ang bahagi ng mga katawan na lamang na nakilala ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng suot na damit at ilang palatandaan sa katawan habang dalawa pa na hindi pa nakilala na hindi na rin buo ang katawan ng marekober. Nasa 18 naman ang nasugatan sa insidente.
Samantala, 91 labi ang narekober sa landslide sa Itogon, Benguet sa kasagsagan ng bagyong Ompong.
Ang search and retrieval operation sa Brgy. Ucab, Itogon ay inihinto na rin ng search and retrieval team.
- Latest