Satisfaction rating ni Digong, balik ‘very good’
MANILA, Philippines — Bumalik sa “very good” ang satisfaction rating ni Pangulong Duterte sa survey ng Social Weather Station (SWS) sa ikatlong quarter ng taon.
Ang survey ay isinagawa mula Setyembre 15 hanggang 23 kung saan lumabas na 70 porsiyento ng mga Filipino ay satisfied sa trabaho ni Duterte.
Tumaas ang rating ng Pangulo kumpara sa kanyang 2018 gross satisfaction rating noong Hunyo na 65 porsiyento.
Base sa resulta ng pinakahuling survey, sa 1,500 adult respondents, 70% ang satisfied, 14% ang hindi desidido, at 16% ang “dissatisfied.”
Dahil dito, mula sa “good” o +45 sa ikalawang quarter ng taon, naging “very good” +54 o tumaas ng siyam na puntos ang performance rating ng Pangulo.
Mas tumaas ang rating ng Pangulo ng 13 points sa hanay ng Class D o masa pero bumaba naman sa classes ABC ng pitong puntos.
Ang survey ay isinagawa isang linggo matapos ihayag ng gobyerno ang pagtaas ng inflation na pumalo sa 6.4 percent.
Base sa methodology na ginagamit ng SWS para sa net satisfaction ratings, ang score ng 70 pataas ay itinuturing na “excellent”, ang 50-69 ay very good, 30-49 good, at 10-29 moderate.
Samantala, itinanong din sa nasabing survey kung sa palagay nila ay bastos ang ilang pahayag ng Pangulo.
Sa pahayag ni Duterte na “God is stupid” 83% ang nagsabi na bastos ito samantalang 14% ang nagsabi ng hindi ito bastos.
Sa pahayag naman ng Pangulo na maraming kaso ng rape sa Davao City dahil maraming magagandang babae sa lugar, 63 porsiyento ang nagsabi na ito ay bastos, 33 percent ang hindi.
- Latest