PNP binalaan ang mga mayor na inaalila ang mga pulis
LUCENA CITY , Philippines — Nagbabala si Calabarzon PNP Director C/Supt. Edward Carranza sa mga city at municipal mayors na mananagot sa kanya oras na mapapatunayang inaalila ang mga miyembro ng PNP.
Inanunsyo ni Carranza ang babala sa mga local chief executives sa harap ng mga mamamahayag ng dumalo ito sa “ Kapihan sa PIA” matapos na makarating sa kanyang kaalaman na may mga ilang pulitiko sa kanyang Area of Responsibility (AOR) na nag-aastang hari at tauhan ang ilang kapulisan.
“May report akong natatanggap na may ilang pulis na inuutusang maghugas ng sariling sasakyan ng pulitiko kung saan naka-detail ito at meron din ilang mayor at gobernador na akala mo ay hari o reyna kung mag-utos sa mga pulis. Hindi pwede yan, isa iyang paraan ng pambu-bully,” anang PNP PRO4A chief.
Ipinaalala ni Carranza sa mga pulitiko na ang mga pulis ay hindi nila tauhan at sila ay mga lingkod bayan na inaasahan ng publiko sa oras ng usapin ng peace and order at kalamidad.
Kasunod nito ay inatasan ni Carranza si Quezon PNP Director PSSupt.Osmondo de Guzman, na bawasan ng mga bodyguard na pulis ang ilang pulitiko sa lalawigan upang makapagsilbi ang mga ito ng maayos sa komunidad.
Dalawang pulis lamang ang required na detail sa pulitiko batay sa umiiral na guidelines.
- Latest