10 mayor kakasuhan kay ‘Ompong’
MANILA, Philippines — Namemeligrong makasuhan ang 10 mayor na ‘missing in action’ o absent sa pananalasa ng bagyong Ompong sa bansa.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Asec. Jonathan Malaya, pinag-aaralan na nila ang mga performance ng mga mayor na hindi nagpatupad ng preemptive at forced evacuation sa mga residente at tutulug-tulog sa kasagsagan ng bagyo.
Sinabi ni Malaya, dapat sumunod ang mga local chief executives sa module ng DILG na “Oplan Listo” na pinamahagi nila sa mga mayor bilang gabay kapag may tumatamang kalamidad sa bansa.
Aniya, sino man ang matutukoy nila na nagpabaya sa tungkulin para tiyakin ang kaligtasan ng mga tao sa lugar na kanilang nasasakupan ay papadalhan nila ng show cause order.
Iginiit ni Malaya na kung mapatunayan na nagpabaya sila habang may kalamidad ay mahaharap ang mga alkalde sa pagkakasuspinde at pagkakasibak sa puwesto.
Hindi pa inihahayag ng DILG ang pangalanan ng naturang mga mayor.
Nilinaw naman ng DILG na ang mga susuriin lamang ay mga mayor sa mga lugar na kasama sa mga inilabas na babala ng PAGASA o warning signal ng bagyo.
Karamihan sa mga natukoy ng DILG ay mula sa area ng Luzon na dinaanan at hinagupit ng bagyong Ompong.
Samantala sa isang radio interview ay ibinunton naman ni Itogon, Benguet Mayor Victorio Palangdan ang sisi sa mga tao dahil inililikas daw ang mga ito sa preemptive evacuation pero nagsipalag at binalewala ang kanilang panawagan.
- Latest