74 na patay kay Ompong
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 74 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Ompong matapos makarekober pa ng 14 bangkay sa pagpapatuloy ng search, rescue and retrieval operations sa nangyaring landslide sa Itogon, Benguet.
Sinabi ni Itogon Mayor Victorio Palangdan, na 14 pang bangkay ang nahukay ng rescuers sa 300 metrong landslide na tumabon sa bunkhouse at kapilya na sinilungan ng mga minero at kanilang mga pamilya sa Brgy. Ucab ng nasabing bayan.
“Kulang ang tubig, ang machineries, so mano-mano talaga. Ang maganda po dito marami sila at ang determination ng rescuers natin ay maganda po,” pahayag ni Palangdan.
Inihayag naman ni PNP spokesman P/Sr. Supt. Benigno Durana Jr., nitong Martes ay tumaas na sa 74 ang mga narerekober na bangkay, 60 ay mula sa Cordillera Autonomous Region kung saan 43 dito ay sa landslide sa iba’t-ibang bahagi ng bayan ng Itogon na ang kalahati ng munisipalidad ay natabunan ng gumuhong bundok; 10 ang patay sa Cagayan Valley; dalawa sa Central Luzon; isa sa Ilocos Region at isa sa Metro Manila na ang security guard na naguhuan ng pader sa Caloocan City.
Naitala naman sa 55 ang nawawala at 74 rin ang nasugatan.
Sa press briefing naman sa Camp Aguinaldo, sinabi ni NDRRMC spokesman Edgar Posadas, umaabot na sa P14.3 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa Region 1, 2, 3, CALABARZON at CAR. (Trainee Hermie Rivera)
Related video:
- Latest