Magdalo may planong patalsikin si Digong – Palasyo
MANILA, Philippines — Kasama umano ang Magdalo group sa listahan ng mga may planong patalsikin si Pangulong Duterte sa puwesto.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque kahapon, hobby umano ng Magdalo ang destabilization sa gobyerno tulad ng ilang ulit nitong tangkang pabagsakin noon ang Arroyo government.
“Itong grupong Magdalo, talaga namang ito ‘yung kanilang hobby, magpatalsik ng gobyerno bagama’t hindi naman sila nagwawagi,” sabi ni Roque.
Sa kabila anya ng pagtanggi ng Liberal party members na may plano silang pabagsakin ang gobyernong Duterte sa tulong ng Communist Party of the Philippines at Magdalo ay patuloy ang pagsisikap ng mga ito upang ibagsak ang pamahalaan.
Marami umanong miyembro ng LP ang ayaw kilalanin si Duterte bilang pangulo ng bansa.
“Hindi rin sikreto na marami dun sa dilawan ang talagang hindi maka-move on sa pagkatalo nung 2016. Marami sa kanila, ayaw kilalanin ang ating Presidente. At siyempre po, hindi naman nakakapagtaka kung sila ay magkakaroon ng kasunduan upang maipatalsik ang Presidente,” sabi pa ni Roque.
Nilinaw din ni Roque, bagamat may mataas na suporta si Pangulong Duterte mula sa publiko ay makakaapekto sa ekonomiya ng bansa ang anumang destabilization plot sa pamahalaan.
- Latest