TRAIN 2 dagdag pasakit sa mga Pinoy
MANILA, Philippines — Iginiit ng grupo ng mga mamimili na Laban sa Konsyumer Inc. na ibasura ang isinusulong na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) 2 ni Finance Sec. Sonny Dominguez dahil sa magiging epekto nito sa pangkaraniwang mamamayan.
Ayon kay Victorio Dimagiba, dating undersecretary na ngayon ay namumuno sa LKI, hindi na makahinga ang taumbayan sa epekto ng TRAIN 1 subalit isinusulong pa rin ni Dominguez ang TRAIN 2 na isa na namang dagdag pasakit sa mahihirap na Filipino.
Wika pa ni Dimagiba, kapag ang TRAIN-2 ay nakalusot sa Kongreso, nangangamba ito na ang insentibong ibinibigay sa “power sector”, partikular na sa Renewable Energy Industry ay ibabasura na lamang na nangangahulugan ng pagpataw ng karagdagang 12 porsiyentong “value added tax” sa lahat ng bagay.
Aniya, ang isa pa sa maaaring maging epekto ng TRAIN-2 law ay ang pagbagal sa pag-usad ng ating Renewable Energy Industry na galing sa mga natural at katutubong pamamaraan na siya namang magbibigay daan sa pag-usbong ng mga coal-based projects na kalaban ng kalikasan dahil na rin sa nakalalasong dumi na ibubuga nito sa kapaligiran.
Idinagdag pa ng dating government official, sa sandaling maipasa ng Kongreso ang TRAIN 2 ay makatitikim ng doble dagok sa pamumuhay ang nakararaming Pilipino na nasa laylayan ng lipunan.
Bagamat bumaba ang income tax at simplified transfer tax ay pinalawig naman ang Value Added Tax at tuluyang pang dinagdagan ang “excise tax” sa mga bilihin.
Ang TRAIN-2 naman, sa kabilang banda, ay nangangahulugan na doble pasakit sa mga Pilipino na siyang magpapasan ng mga karagdagang buwis na ipapataw ng gobyerno upang mabawi ang pondo sa mawawalang buwis na babayaran ng malaking korporasyon dahil ibababa ang “corporate tax” ng mga naturang kumpanya.
- Latest