P300-M inilaan para sa bagong ospital sa Parañaque
MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit sa P300 milyon ang pondong inilaan ng pamahalaang lungsod ng Parañaque para sa ipinapatayo nitong ikalawang Ospital ng Parañaque na matatagpuan sa ikalawang distrito.
Nabatid na nitong Biyernes ay isinagawa ang ground breaking ceremony, na pinangunahan ni Mayor Edwin Olivarez, kasama ang mga opisyal at mga konsehal ng lungsod sa itatayong bagong ospital na matatagpuan sa kahabaan ng Doña Soledad Extension, Brgy. Don Bosco.
Layunin nito na mapagserbisyuhan ang mga residente sa ikalawang distrito ng lungsod dahil ang unang Ospital ng Parañaque ay matatagpuan sa Brgy. La Huerta na mas malayo sa kanila.
Sabi ni Olivarez, nais nilang higit na paigtingin ang serbisyo publiko lalo na sa larangan ng kalusugan, na isa ito sa mga pangunahing prayoridad ng pamahalaang lungsod.
Samantala, sa isinagawang job fair city hall na pinangunahan ng Parañaque Public Employment Service Office (PESO) sa koordinasyon ng the Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 565 bilang ng mga aplikante ang mabibigyan ng trabaho.
Ang 385 ay “hired on the spot”, na ayon kay Public Information chief Mar Jimenez, nasa 96 malalaking kompanya ang nakiisa para sa isinagawang job fair ng pamahalaang lungsod.
- Latest