SONA ginulo ng kudeta
MANILA, Philippines — Sa kaunaunahang pagkataon sa kasaysayan ng House of Represenatives, nagkaroon ng kudeta sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.
Ito ay matapos na ikudeta si House Speaker Pantaleon Alvarez ng mga kapwa mambabatas sa botong 186 at iniluklok si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo kapalit niya.
Bago magsimula ang ikatlong SONA ni Duterte ay nagsalita si Camarines Norte Rep. Rolando Andaya at sinabi ang bilang ng pumirma sa manifesto para patalsikin si Alvarez.
Habang nagsasalita ay pinatayan ng mikropono si Andaya. Sa kabila nito, itinuloy pa rin ng kongresista ang pagsasalita at bagamat hindi marinig ang sinasabi nito ay nagkaroon ng kaguluhan sa plenaryo at nagsalita na rin si House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles kung saan isa-isang binasa ang pangalan ng mga kongresista na animo ay kinukuha ang kanilang mga boto.
Matapos nito ay binasa ni Capiz Rep. Fredinil Castro ang isang maliit na papel na resulta ng bilangan at mayamaya ay pumanhik na si Arroyo sa podium para magsalita subalit dahil sa walang mikropono ay animo’y sumisigaw ito.
Kaagad din namang pumanhik sa podium ang ilang kongresista at ang benjamin of the House na si Kabuhayan Rep. Dennis Laogan at nanumpa.
Matapos ang panunumpa ni Arroyo ay pumokpok na siya ng gavel na hudyat na siya na ang bagong Speaker of the House.
Ilang minuto naman ay dumating na si Pangulong Duterte subalit ang sumalubong sa kanya ay si Alvarez hanggang sa holding area.
Pumasok naman si Arroyo sa holding area kung saan naroon sina Duterte at Alvarez at nanatili doon ng halos ilang minuto.
Dahil sa matagal na hindi lumalabas ang Pangulo, sina Alvarez at Arroyo kaya ang mga kongresista naman ang pumasok na sa holding area.
Makalipas ng ilang minuto ay lumabas si Alvarez at Senate President Tito Sotto at umupo sa podium katabi si Pangulong Duterte.
Ayon kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, napagkasunduan na status quo muna at maghihintay muna sila ng signal mula sa Pangulo kung ano ang magiging desisyon niya sa usapin ng speakership sa Kamara.
Naantala ng mahigit isang oras ang SONA ng Pangulo na sana ay alas-4:00 ng hapon magsisimula subalit nagsimula na pasado alas-5:00 ng hapon
Nauna rito, hindi natuloy ang sinasabing kudeta laban kay Alvarez kahapon sa unang araw ng pagbubukas ng sesyon ng Kongreso matapos na biglang mag-moved na mag-adjourned si House Deputy Majority leader Rimpy Bondoc at aprubahan ni Deputy Speaker Gwendolyn Garcia.
Tinangka pa ni Camarines Norte Rep. Rolando Andaya na pigilan ang pag-adjourned subalit hindi ito pinansin ni Garcia.
Dahil sa biglaang pag-adjourned ay hindi naratipikahan ng Kamara ang Bangsamoro Organic Law kahit naratipikahan na ito ng Senado.
Sinabi naman ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na nag-suspend agad sila ng sesyon pasado alas 11 ng umaga para bigyang-daan ang caucus ng PDP-Laban.
Sa nasabing caucus umano pinag-usapan ang isyu ng kudeta kay Alvarez at lumalabas dito na walang kinalaman si Pangulong Duterte para palitan ang lider ng Kamara.
Iginiit naman umano ni Alvarez na kung ayaw na sa kanya ng pangulo ay handa siyang bumaba sa puweto.
Samantala, sinabi ng mga kaalyado ni Alvarez na iligal ang pagkakaluklok kay Arroyo kahit may sapat na lagda ng mga mambabatas na pabor dito dahil wala sa rostrum nang manumpa ang dating pangulo ang House Macena na simbolo ng legislative authority ng House of Representatives.
Sa kaugnay na ulat, tikom ang bibig ni Davao City Mayor Sara Duterte sa ulat na siya umano ang nasa likod sa tangkang pagpapatalsik sa puwesto kay Alvarez.
Tanging no comment lamang ang kanyang naihayag nang itanong ng media ang isyu matapos nitong pormal na ilunsad ang kanyang ‘Tapang at Malasakit Alliance’ sa Quezon City kahapon na ginanap sa Trinity University sa QC kasama si QC Vice Mayor Joy Belmonte. (May ulat ni Angie dela Cruz)
Related video:
- Latest