Halili may nakaaway na ex-general – PNP
MANILA, Philippines — May nakaaway umanong isang dating heneral bago napaslang si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili sa flag raising sa municipal hall ng lungsod noong nakalipas na Hulyo 2.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, ang nasabing high ranking na dating heneral ay nakaalitan umano ni Halili kaugnay ng pagkakadawit nito sa “narco list” ni Pangulong Duterte.
Bukod sa iligal na droga ay hindi niya alam kung ano ang naging puno’t dulo ng matinding alitan sa pagitan ni Halili at ng dating heneral na hindi nito tinukoy kung mula sa PNP o AFP.
“Basta sabi nila general, so that is part of the investigation actually,” ayon pa sa opisyal na sinabi pang kahit na retirado na sa serbisyo at isa nang sibilyan ay maari pa ring magsanay ng ‘sniper’ para patayin ang alkalde.
Kabilang na rin sa anggulong sinisilip na motibo sa krimen ay alitan sa lupa.
Una nang lumutang ang pulitika, walk of shame campaign o mga ipinaparadang nahuhuling kriminal kabilang ang mga drug suspects at ang umano’y pagkakasangkot ni Halili sa droga.
Si Halili ay kabilang sa mga alkalde na natanggalan ng police power matapos na mapabilang sa narco list ni Pangulong Duterte.
- Latest