Digong pinagkokomento sa quo warranto
MANILA, Philippines — Pinasasagot ng Korte Suprema si Pangulong Duterte sa quo warranto petition na inihain laban sa kanya ng suspindidong abugado na si Ely Pamatong.
Kasama ito sa mga natalakay sa deliberasyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema noong Martes.
Si Pamatong na idineklarang nuisance o panggulong kandidato noong 2016 Presidential Elections ay naniniwalang hindi kwalipikado si Duterte na tumakbo noon sa pagka-pangulo dahil sa depekto sa kanyang certificate of candidacy.
Si Duterte ay substitute candidate ng kanyang kapartido sa PDP-Laban na si Martin Diño. Pero ang orihinal umanong posisyon na nais takbuhan ni Diño ay para sa pagka-alkalde ng Pasay at hindi naman sa pagka-presidente.
Nauna nang ibinasura ng Comelec ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa qualification ni Duterte sa pagtakbo sa pagka-pangulo at kabilang na rito ang petisyong inihain ni Pamatong.
- Latest