Kaso ng leptospirosis umakyat na sa 1,000
MANILA, Philippines — Umakyat na sa mahigit 1,000 ang naitalang kaso ng Leptospirosis sa unang anim na buwan lang ng 2018.
Ayon sa Department of Health (DOH), mas mataas ng 41% ang kabuuang bilang ng Leptospirosis na naitala kumpara noong nakalipas na taon sa parehong panahon.
Sa datos ng DOH, umabot na sa 1,030 kaso ng naturang nakamamatay na sakit ang kanilang naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 9 ngayong taon.
Karamihan sa mga naitalang kaso ay nagmula sa Western Visayas (221), Caraga (162), at Region XI (86).
Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na umiwas sa paglusong sa baha ngayong tag-ulan, upang makaiwas sa mga sakit lalo na sa Leptospirosis.
Nakukuha ang leptospirosis mula sa ihi ng daga na humahalo kadalasan sa baha. Maaari rin itong makuha sa putik na kontaminado ng bacteria na leptospira.
- Latest