Pulisya ipinagtanggol ni SAP Go sa anti-tambay

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Special Assistant to the President Bong Go ang mga pulis na tumutupad lamang sa kanilang trabaho para mang-aresto ng mga lumalabag sa iba’t-ibang umiiral na ordinansa tulad ng mga taong-“tambay”.
Sa ginanap na ika-10 Founding Anniversary ng local party na “Asenso Manileño” kamakalawa ng gabi, sinabi ni Go na kapag natutulog at walang ginagawa ang mga pulis ay binabatikos at kapag nagsisipag naman at ginagampanan ang kanilang mga trabaho ay binabanatan pa rin.
“Saan lulugar ang ating mga pulis, kawawa naman sila, tinitira sila kapag tatamad-tamad at walang ginagawa, kapag nagtatrabaho naman ay binabanatan din,” pahayag ni Go.
Sinabi ni Go, suportado niya ang ginagawang pag-aresto ng mga pulis sa mga pasaway na mamamayan na gumagawa ng paglabag sa batas tulad ng drinking in public place, paglalakad ng walang pang-itaas na damit sa kalsada, paninigarilyo sa pampublikong lugar, pagsusugal at iba pa.
Ang pagdiriwang ng founding anniversary ng “Asenso Manileño” ay pinangunahan nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Rep. Yul Servo at Manila Vice Mayor Honey Lacuna at iba pa.
- Latest