Killer ng pari timbog!
Positibong kinilala ng sacristan
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang pangunahing suspek sa pamamaril kay Fr. Richmond Nilo na pinaslang nitong Hunyo 10 sa isang kapilya sa Zaragosa, Nueva Ecija.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director Oscar Albayalde kasabay ng mismong araw ng paghahatid sa huling hantungan ni Fr. Nilo sa lalawigan.
Base sa report ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Dominador Corpus, kinilala ni Albayalde ang suspek na si Adell Rol Milan na nahuli sa Brgy. Malapit, San Isidro, Nueva Ecija bandang alas-6:30 ng gabi nitong Huwebes.
Sinabi ni Albayalde na ang suspek ay positibong kinilala ng altar boy o sakristan ng simbahan na testigo sa krimen.
Ang suspek ay kabilang sa limang persons of interest na nakunan sa CCTV sa crime scene.
Sinabi naman ni Corpus na ang suspek ay isang drug surrenderee na kabilang sa tatlong persons of interest na nakita ng sakristan na naglalabas masok sa simbahan habang ang dalawa pa sa mga suspek ay naghihintay naman sa labas lulan ng getaway vehicle na nagsilbing lookout.
Sa kasalukuyan ay patuloy na isinasailalim ang suspek sa masusing tactical interrogation ng mga awtoridad sa motibo ng krimen. Patuloy din ang pagtugis sa apat pang persons of interest.
Magugunita na si Fr. Nilo, 40 anyos ay pinagbabaril pasado alas-6 ng gabi bago ito magmisa sa kapilya ng Simbahang Katoliko sa Bgy. Mayamot, Zaragosa, Nueva Ecija noong nakalipas na Hunyo 10 ng gabi.
Si Fr. Nilo ang ikatlong pari na pinaslang sa loob ng nakalipas na anim na buwan.
Una rito ay pinagbabaril sa Jaen, Nueva Ecija si Fr. Marcelino Paez noong Disyembre 2017 habang si Fr. Mark Ventura ay pinaslang naman matapos magmisa sa isang gymnasium sa bayan ng Gattaran, Cagayan noong Abril ng taong ito.
Ang isa pa na si Fr. Rey Urmeneta, dating Chaplain sa Camp Crame ay nakaligtas naman sa ambush sa Calamba City, Laguna noong Hunyo 6 ng taon ding ito.
Patuloy namang sumisigaw ng hustisya ang pamilya ni Fr. Nilo kung saan bumuhos din ng matinding emosyon sa ginanap na huling misa bago ilibing ang pari.
- Latest