^

Bansa

Pari itinumba bago magmisa

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon
Pari itinumba bago magmisa
Kaugnay ng ulat mula sa pahina 2, iniinspeksyon nina Nueva Ecija Police provincial director Senior Supt. Eliseo Tanding (kaliwa) at Chief Supt. Amado Corpuz (kanan), Region 3 Regional Director ang altar kung saan pinaslang ang 44-anyos na si Rev. Fr. Richmond V. Nilo sa chapel ng Barangay Mayamot, Zaragosa, Nueva Ecija.
Kuha ni Christian Ryan Sta. Ana

MANILA, Philippines — Hindi man lamang iginalang ng dalawang armadong salarin ang kasagraduhan ng simbahan makaraang pagbabarilin ng malapitan ang isang pari sa likuran ng altar bago ito mag-misa sa isang simbahan sa Zaragosa, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Fr. Richmond Nilo, 40 anyos, nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan na siya nitong agarang ikinamatay.

Sa report, sinabi ni Police Regional Office 3 Director P/Chief Supt. Amador Corpus na nangyari ang pamamaslang sa biktima sa likuran ng altar ng kapilya ng simbahang  Katoliko sa Brgy. Mayamot, Zaragosa bandang alas-6:05 ng gabi.

Nagbibihis si Fr. Nilo  sa likuran ng altar para magdaos ng misa nang biglang sumulpot ang dalawang salarin na lulan ng motorsiklo at tuluy-tuloy na sumilip sa bintana ng simbahan bago pinaputukan ang biktima.

Kaugnay nito, sa Camp Crame, inutos na ni Philippine National Police  Chief P/Director General Oscar Albayalde ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) upang imbestigahan at resolbahin ang pamamaslang kay Fr. Nilo.

Kasabay nito, ipinamomonitor rin ni Alba­yalde sa mga hepe ng pulisya sa buong bansa ang mga paring may death threat upang ma­bigyan ang mga ito ng proteksyon at nanawagan din sa kaparian sa bansa na makipagkoordinasyon sa PNP para sa kanilang kaligtasan.

Sa tala, si Nilo ang ikatlong pari na pinas­lang sa loob ng anim na buwan ng motorcycle riding in tandem na mga armadong salarin. Magugunita na si Fr. Marcelino Paez, kura paroko sa Jaen, Nueva Ecija ay pinagbabaril  at napatay noong Dis­yembre 4 ng nakalipas na taon. Samantalang si Fr. Mark Ventura ay napatay naman matapos na magdaos ng misa sa Gattaran, Cagayan noong Abril 29 ng taong ito. Ang isa pa na si Fr. Rey Urmeneta ng St. Michael de Archangel Parish ay sugatan naman sa ambush sa Calamba City, Laguna  noong nakalipas na linggo.

Samantala, ipinahayag ni Presidential Spokesman Harry Ro­que na mariing kinokondena ng Palasyo ang pagpatay sa nasabing pari.

Siniguro naman ni Roque na, bilang presidential adviser on human rights, siya na mismo ang tututok sa kaso ni Fr. Nilo at makikipag-usap siya kay Albayalde upang matutukan din ng pulisya ang kaso at mabilis na maresolba. (May ulat ni Rudy Andal)

FR. RICHMOND NILO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with