Duterte kiss walang malisya
Sabi ng hinalikang OFW
MANILA, Philippines — Nilinaw ng Pilipinang hinalikan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labi sa pulong nito sa mga overseas Filipino worker sa Seoul, South Korea kamakalawa na “walang malisya” sa ginawa ng Punong ehekutibo.
“Walang malisya iyon,” diin ng babae na nakilala sa ulat ng Philippine News Agency na si Bea Kim na matagal nang nagtatrabaho sa South Korea.
“Iyung kiss, parang twist lang iyun, pampakilig sa mga audience. Walang ibig sabihin iyun, promise... Sa kaniya, sa akin, walang ibig sabihin,” dagdag niya sa kanyang mensahe sa kanyang facebook page.
Nabatikos ng ilang netizen sa social media at ng grupong Gabriela ang Pangulo dahil sa paghalik niya sa isa nitong babaeng supporter sa entablado kasabay ng pakikipagkita niya sa may 2,500 Pilipino sa Seoul kamakalawa ng gabi.
Nang matapos ang dalawang oras na programa, hinalikan ni Duterte si Kim sa harap ng mga miyembro ng kanyang Gabinete at ng maraming tao na nagwawagayway ng bandilang Pilipino at isinisigaw ang pangalan ng Pangulo.
Si Duterte ang unang humingi ng halik sa dalawang babae na umakyat sa entablado para kumuha ng kopya nang ipinamimigay niyang librong “Altar of Secrets.”
Bago siya humalik, tinanong ni Duterte ang babae kung dalaga ito. “Hindi po,” sagot ng babae pero meron anya itong asawa.
Tinanong ni Duterte kung maipapaliwanag ng babae na magiging make-believe lang iyon. “Kaya mong sabihin kung biro lang kahit dito, sabi niya sabay turo sa kanyang mga labi.
Halatang tuwang-tuwa ang babae na nakita nang malapitan si Duterte nang personal. “Okay lang po,” sagot nito.
At naganap ang halik sa harap ng maraming tao na ikinatuwa ng audience.
Ayon naman kay Joms Salvador, secretary general ng militanteng women’s group na Gabriela, isa iyong nakakadismayang palabas ng isang misogynist president na nag-aakalang nararapat niyang pababain, hiyain o bastusin ang mga babae alinsunod sa kanyang gusto.
Sinabi naman ni Magdalo Partylist Gary Alejano na mali ang inasal ni Pangulong Duterte at isa itong kahihiyan lalo na sa mata ng buong mundo at bilang lider ng Pilipinas ay dapat iangat nito ang dangal ng kababaihan sa halip na ibagsak sa harapan ng mga naghihiyawang panatiko nito na mistulang isang palabas sa telon.
Iginiit kahapon ni Sen. Rissa Hontiveros na hindi dapat sisihin ang OFW sa kissing incident kay Duterte sa Filipino community event sa South Korea kamakalawa.
“Ang Pangulo ang dapat kumilos nang may pagtitimpi, respeto at makatarungan, bagay na inaasahan sa hinahawakan niyang posisyon,” sabi pa ni Hontiveros.
Related video:
- Latest