Dinismis na Pangasinan mayor may panibagong kaso
MANILA, Philippines — Panibagong kaso ang kinakaharap ngayon ni dismissed Mayor Artemio Q. Chan ng Pozorrubio, Pangasinan kaugnay ng umano’y pamemeke ng public document at usurpation of official function.
Ito ay makaraang kasuhan si Chan sa Office of the Ombudsman ng mag-asawang Gaudencio O. Torralba Jr. at Rachelle Legaspi-Torralba gayundin nina Larry L. Alutaya Jr. at Ryzzamae M. Quinto kaugnay ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019.)
Una nang sinibak sa puwesto si Chan ng Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa grave misconduct at serious dishonesty na isinampa naman ng mag-asawang Ly-Ar C. Punzalan at Cherilyn O. Buyao patungkol sa kanilang civil wedding noong March 14, 2016.
Ang kapwa akusado ni Chan na empleyado ng munisipyo na si Daniel M. Sarmiento Jr. ay nasuspinde naman ng siyam na buwan na walang sahod matapos mapatunayang liable sa conduct prejudicial to the best interest of the service.
Sa rekord, na-solemnized ni Sarmiento ang kasal ng mga Buyao pero bigong mapirmahan ni Chan ang Certificate of Marriage ng mga ito.
Kaugnay nito, inaprubahan na ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong falsification of public document sa ilalim ng Article 172 (2) ng Revised Penal Code laban kay Chan at kapwa akusado.
“It was clearly established that he (Chan) failed to actually officiate complainants’ marriage, yet, he certified in the Certificate of Marriage that complainants appeared before him and he solemnized their marriage,” nakasaad sa resolusyon ng Ombudsman.
Si Chan ay nasasangkot sa ibat ibang pamemeke ng dokumento, grave misconduct at serious dishonesty.
Noong August 24, 2017, napatunayan din ng Ombudsman na si Chan ay guilty sa simple dishonesty.
Una nang nadismis ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa serbisyo si Chan noong August 3, 2017 at nakansela ang eligibility bukod sa hindi na pinapayagang tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
- Latest