TRAIN Law sususpendihin ng Kamara
MANILA, Philippines — Handa ang Kamara na suspendihin ang ipinapatupad na Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law para matugunan ang nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon kay Rep. Dakila Carlo Cua, chairman ng House Committee on Ways and Means, na pinag-aaralan na nila kung paano nila sususpendihin ang nasabing batas.
“We are open to the suspension of taxes [under the Tax Reform for Acceleration and Inclusion or TRAIN law] if the situation merits it...and if we think that’s the right solution at the moment and then how do we make it or what are the mechanics if it’s suspended and possible revived when the conditions are different or better,” sabi ni Cua.
Maaari rin umano nilang suspendihin ang implementasyon ng buwis sa pamamagitan ng lehislasyon o legislative process.
Sinabi pa ni Cua na pinag-aaralan na ng kanyang komite ang kapangyarihan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para magrekomenda sa Presidente na suspendihin ang ipinapatupad na buwis partikular na sa excise tax gayundin sa value added tax sa mga produktong langis.
Nauna nang sinabi ng BIR na kumita sila ng P12.5 bilyon sa unang quarter ng taon ng ipatupad ang bagong tax law.
Sa kabila nito, marami pa rin mambatas ang naghain ng panukalang batas at resolusyon para rebyuhin at bawiin ang TRAIN law dahil sa mabigat na epekto nito sa mga Pinoy.
Matatandaan na nilagdaan ng Pangulo ang TRAIN Law noong Disyembre 19, 2017.
Related video:
- Latest