P80M ‘Buhay Carinderia’ ipinatigil ng DOT
MANILA, Philippines — Ipinatigil ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang “Buhay Carinderia” project ng Tourism Promotions Board (TPB) sa gitna ng ulat na hindi ito dumaan sa bidding process.
Kaugnay nito, hihintayin ni Romulo-Puyat ang desisyon rin ng Commission on Audit kung ipapabalik sa TPB ang P80-million funding para sa proyekto.
Dagdag ni Puyat, sa nangyaring pagpupulong nila ni TPB head Cesar Montano inabisuhan niya rin umano ito na susulat siya ng liham na humihiling sa komisyon na ireview at i-pre-audit ang Buhay Carinderia.
Samantala, ipinaliwanag umano sa kanya ni Montano na nagdepende lang ang TPB sa sponsorship.
Nilinaw naman ng bagong kalihim na naniniwala siya kay Montano ngunit muling binigyang diin nito na lahat ng government projects ay kailangang dumaan sa bidding.
Samantala, nagbitiw na sa puwesto ang limang opisyal ng DOT upang mabigyan siya ng freehand sa pagpili ng mga makakasama sa naturang ahensya.
Kabilang sa naghain ng kanyang resignation si Assistant Secretary Ricky Alegre.
Sinabi naman ni Puyat na mananatili bilang Undersecretary si Benito Bengzon dahil ito ay isang career official at nagserbisyo na sa ahensya sa nakalipas na 33 taon.
Kinumpirma rin ng kalihim na nagkausap na sila ni Montano kaugnay sa P80 milyong halaga ng ‘Buhay Carinderia Project’ ngunit hindi na inilabas ang resulta ng kanilang naging meeting kamakalawa ng gabi.
- Latest