‘35 patay sa election violence’ – PNP
MANILA, Philippines — Umaabot na sa 35 katao kabilang ang ilang mga kandidato at kanilang mga supporters ang nasawi simula noong Abril 14 ng taong ito hanggang sa kasalukuyan kaugnay ng ginanap na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa bansa kahapon.
Sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame, Quezon City, sinabi ni Philippine National Police Chief P/Director General Oscar Albayalde na sa kabuuang 42 insidente ng mga naitalang hinihinalang Election Related Violence Incidents (ERVI’s) ay 33 ang nasawi.
Ang nasabing bilang ay naitala ng National Election Monitoring and Action Center (NEMAC) ng PNP umpisa noong Abril 14 ng taon sa pagsisimula ng election period hanggang alas-6 ng umaga nitong Lunes sa pagsisimula ng botohan sa Barangay at SK election sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Albayalde na, sa 35 namatay na katao, 18 dito ay mga halal na opisyal ng gobyerno, apat ang mga kandidato, tatlo ang mga dating halal na opisyal ng pamahalaan, dalawa ang mga supporters at anim naman ang mga sibilyan.
Naitala naman sa sampu katao ang nasugatan at nasa 24 ang nakaligtas. Sa naturang bilang, nasa limang halal na opisyal, dalawa ang kandidato, sampu ang mga supporters at siyam naman ang mga sibilyan.
Gayunman, sinabi ng PNP at Armed Forces of the Philippines na payapa sa pangkalahatan ang halalan.
Ang PNP ay nasa full alert status, umpisa dakong alas-6 ng gabi kamakalawa hanggang sa kasalukuyan, ayon pa kay Albayalde, kung saan nasa 181,212 pulis ang ipinakalat para magbantay upang matiyak ang mapayapa at matiwasay na pagdaraos ng halalan.
Nasa 73,562 namang mga PNP personnel ang nagbantay sa 36,781 mga polling precints sa bansa matapos na magumpisa na ang botohan dakong alas-7 ng umaga nitong Lunes.
Kinumpirma ni Albayalde na sa 42 insidente ng karahasan ay pito dito ang nakumpirmang may kinalaman sa pulitika kaugnay ng labanan ng mga kandidato.
Samantalang, sa 42 karahasan, 33 dito ay kaso ng pamamaril, dalawa ang kidnapping, dalawa dito ang strafing o pagpapaulan ng bala, panununog, harassment, illegal detention, ambush, grave threats at paghahagis ng granada.
Idinagdag pa ni Albayalde na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay ng PNP hanggang sa botohan at maiproklama ang mga nagwaging kandidato.
- Latest