Vote buying tututukan ng PNP
MANILA, Philippines — Aarestuhin ng ipakakalat na mga operatiba ng Philippine National Police ang sinumang kandidato, maiimpluwensyang personalidad, mga supporters at iba pa na mahuhuling sangkot sa vote buying kaugnay ng gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa Lunes, Mayo 14 ng taong ito.
Kasabay nito, nagbabala ang pulisya sa pagkalat ng pekeng pera na ginagamit sa pagbili sa boto ng mga botante.
Ito ang mariing babala kahapon ng mga opisyal ng PNP kaugnay ng inaasahang pagtaas pa ng bilang ng vote buying partikular na sa mga lugar na naideklarang hot spots.
“Eto ang iniasahan natin bawat eleksyon, ito ang sumbong kaliwa at kanan sa atin, vote buying ng mga kandidato, ng mga local chief executives, ito ang inaasahan namin na patindi nang patindi,” ani PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde.
Kasabay nito, nagpalabas na ng direktiba si Albayalde sa idedeploy na mga elemento ng pulisya sa eleksyon na bantayang mabuti ang halalan at arestuhin ang mga mahuhuli sa aktong nagsasagawa ng vote buying.
Ginawa ni Albayalde ang direktiba sa gitna na rin ng mga ulat na maging ang mga alkalde, mayor at gobernador ay sangkot sa vote buying para maluklok sa puwesto ang mga kandidatong kanilang pinapaboran o sinusuportahan dahil ang mga mahahalal na opisyal sa barangay ang magdadala sa mga ito sa susunod na national at local elections sa bansa.
Ang PNP ay full alert sa election at magde-deploy ng 163,000 pulis partikukar na sa mahigit 7, 915 mga lugar na naideklarang hotspots na karamihan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Bicol Region at iba pa. Ayon sa PNP Chief , ito’y upang matiyak na magiging mapayapa at matiwasay ang idaraos na eleksyon.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Chief Supt. Ma-o Aplasca, PNP Directorate for Operations, na inaasahan na rin ang pagkalat ng pekeng pera para ipambili ng boto ng mga botante.
“Inaasahan namin ang pagkalat ng pekeng pera,” ani Aplasca na nagsabing gagamitin umano ng mga mandarayang partido sa pagbili ng boto ang mga pekeng pera.
Idiniin niya na karaniwan na itong nangyayari sa tuwing gaganapin ang halalan sa bansa na mahigpit na tututukan ng PNP.
Samantalang mahigpit ding imo-monitor ng PNP ang mga lugar na may presensya ng mga armadong grupo tulad ng CPP-NPA terrorists, Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Private Armed Groups (PAGs ) at iba pa.
Nanawagan din ang mga opisyal sa mga botante na agad ireport sa pulisya at Comelec ang mga insidente ng vote buying.
- Latest