HDO vs 6 drug suspects kinatigan ni Gordon
MANILA, Philippines — Sinang-ayunan kahapon ni Senator Richard Gordon ang naging desisyon ng isang Manila trial court na pagpapalabas ng hold departure order (HDO) laban sa anim na banyaga na kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa P6.4-bilyong halaga ng shabu muna sa China na nakapasok sa bansa noong nakaraang taon.
Ayon kay Gordon, tama lamang na kinilala ng Executive at Judiciary ang naging rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee matapos magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa isyu.
Patunay umano ito na nagkaroon ng bunga ang isinagawang imbestigasyon ng kanyang komite.
“I am glad that the Executive and the Judiciary are using our report to file charges against those who should be held liable for the illegal act. This shows that our investigations in the Blue Ribbon are bearing fruit,” ani Gordon.
Ipinalabas ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court-Branch 46 ang HDOs laban sa mga Chinese nationals na sina Richard Chen, Manny Li, Kenneth Dong at Chen Rong Huan at Taiwanese citizens na sina Chen I-Min at Jhu Ming Jyun.
Ang anim na dayuhan ay inakusahan ng drug importation at paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nahaharap din sila sa transportasyon at delivery ng dangerous drugs case sa isang korte sa Valenzuela.
Samantala, nanawagan din si Gordon sa Executive branch na i-review ang lahat ng rekomendasyon kaugnay sa accountability ng mga opisyal ng Customs tungkol sa smuggling at shabu shipment.
- Latest