Voluntary drug test sa Bgy., SK bets hingi
MANILA, Philippines — Hinikayat ni House Dangerous Drugs committee chairman Rep. Robert Ace Barbers ang mga kandidato sa Barangay at SK elections na magboluntaryo nang sumailalim sa drug test.
Sinabi ni Barbers na ang resulta ng drug test ay dapat din kusang isumite ng mga kandidato sa Commission on Elections para sa documentation at publication.
Dahil dito kaya susulat ang kongresista sa Comelec para pagtakdain ito ng timeline para sa voluntary drug testing ng mga kandidato at pagsusumite ng resulta nito.
Hihilingin din ng kongresista sa DILG na papirmahin sa covenant ang mga kandidato kung saan kanilang kokondenahin ang iligal na droga at hindi sila suportado ng sindikato ng droga.
Ayon pa kay Barbers, ang tatanggi sa voluntary drug test ay tiyak na pagdududahan ng mga botante.
Iginiit naman ng mambabatas na ang apela sa publiko na maging maingat sa pagpili ng iboboto sa Barangay at SK elections ay para hindi lamang kwalipikado kundi wala rin koneksyon sa droga ang kanilang mailuluklok sa pwesto.
- Latest