Killer bus ng Dimple Star galing sa junkshop
MANILA, Philippines — Mula sa junkshop ang unit ng bus ng Dimple Star Transport na naaksidente sa Occidental Mindoro na ikinamatay ng 19 na katao at ikinasugat ng marami noong Marso 20.
Ito ang inamin ng may-ari ng Dimple Star sa mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ginanap na pagdinig kahapon hinggil sa naturang aksidente.
Ayon kay Hilbert Napat, owner ng Dimple Star, mula sa chop-chop at nabili nila sa junkshop ang naaksidenteng bus kamakailan.
Anya, kinumpuni lamang nila ang bulok na bus at saka kinondisyon ang makina nito at saka pininturahan kaya nagmukhang bago.
Sinabi ni Napat na noong taong 2009 unang pumasada ang bus na ito at nabigyan ng road worthy certificate ng Land Transportation Office (LTO) kayat nabigyan ng plakang TYU-708.
Kaugnay nito, sinisi rin ni Napat ang tilamsik ng tubig dagat sa kanilang bus habang sakay ng Roro papuntang Visayas kayat mabilis na nabubulok ang bahagi ng sasakyan.
Bunga nito, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na dahil sa pahayag ni Napat ay kailangan nang pabilisin ang pagpapatupad ng transport modernization sa bansa upang maiwasan ang isa pang trahedya kagaya nang nangyari sa Dimple Star at tuluyang mawalis ang mga bulok na sasakyan.
Patuloy nang suspendido ang operasyon ng Dimple Star hanggat hindi naisasaayos ng bus company ang ginawang paglabag sa LTFRB rules. Muling diringgin ang usapin sa Mayo 30.
- Latest