Hustisya sa Pinay na pinainom ng bleach tiniyak ng Saudi authorities
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Saudi Arabia authorities na mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa Pinay worker na pinainom ng bleach ng kanyang among babae at anumang oras ay pwede na itong ilipat sa regular ward mula sa Intensive Care Unit (ICU).
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) acting Assistant Secretary for Public Diplomacy Elmer Cato, bumubuti na ang kalagayan ni Agnes Mancilla, 36, tubong Quezon matapos itong maratay ng mahigit sa isang linggo sa King Fahad Central Hospital.
“Any day or any time puwede na ilipat sa regular ward si Agnes mula sa ICU, bumubuti na po kasi ang kanyang kalagayan,” ani ni Cato.
Tiniyak naman ng mga Filipino nurse ng nasabing pagamutan kay Consul General Edgar Badajos ng Philippine Consulate General sa Jeddah na kanilang aasikasuhin si Agnes hangga’t sa ito ay maka-recover.
Sa pagsusuri pa kay Agnes ng mga manggagamot sa nasabing pagamutan, natuklasan nila ang mga tinamong pasa at sugat sa likod ng biktima ay mga kagat ng kanyang amo at ito ay ginagawa sa kanya tuwing nagagalit kahit walang ginagawang masama o pagkakamali sa kanyang trabaho.
Sinabi pa ni Consul General Badajos, pinaghahandaan na rin ang paglilipat kay Agnes sa isang ospital sa Jeddah kung saan maaari siyang madaling mabigyan ng suporta ng Konsulado at ng kanyang pamilya kapag dumating sila sa Jeddah.
Samantala, inihayag din ng naturang Consulate General ang pag-release ng isa pang Pinay household service worker mula sa kanyang employer sa Jeddah.
Kini-claim ng naturang OFW (hindi na binanggit ang pangalan) mula sa Nueva Vizcaya na siya ay labis na pinagtatrabaho, pilit na pinaglilinis ng bahay ng iba pang miyembro ng pamilya ng kanyang employer nang mag-isa, at hindi binayaran sa oras.
Nakipagkasundo ang Consulate General sa employer ng OFW noong Martes para sa kanyang release.
Naka-iskedyul na itong lumipad pabalik ng Pilipinas.
- Latest