Digong kay Sereno: Ignorante, bobo, magbitiw ka na
MANILA, Philippines – Bago pumunta at bumalik mula ng China ay hindi nagkulang sa banat si Pangulong Rodrigo Duterte kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa kaniyang arrival speech kagabi, muli na namang kinastigo ni Duterte ang punong mahistrado na tinawag niyang ignorante at bobo dahil sa naging payo ng punong mahistrado sa publiko tungkol sa warrantless arrest.
“Alam mo kung bakit I castigated you in public? Ignorante ka eh,” pahayag ng nanggigigil na pangulo.
BASAHIN: Sereno kailangan nang mawala sa Korte Suprema – Duterte
“There was a time, we were in the thick of the campaign at sinabi mo sa mga public, ‘Do not submit yourself to an arrest unless there is a warrant for your arrest.’ Sabi ko, ‘hindi ko susundin ‘yan, Madame Justice kasi bobo ‘yang batas mo,” dagdag niya.
Bago lumipad upang dumalo sa Boao Forum For Asia sa Hainan, China ay sinabi ni Duterte na masama para sa bansa si Sereno. Idineklara rin ng pangulo na kaaway ang punong mahistrado.
“And so talagang dapat paalisin ka, noon pa. Bobo ka na, putang ina mo. Kung anong pinagsasabi mo.
BASAHIN: Alvarez tinaningan na si Sereno
Nilinaw naman ni Duterte ang naunang pahayag nang hikayatin ang Kongreso na madaliin ang impeachment ni Sereno. Aniya para lamang ito sa kaniyang mga kaalyado.
“I am not directing Congress, I am not a member of Congress. I am directing my partymates. I am asking you to impeach Chief Justice.”
Nasa Kamara pa ang impeachment ni Sereno na hinihintay na lang matapos ang articles of impeachment. Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez ay isa o dalawang linggo mula sa pagbubukas ng sesyon ay tuluyan na nilang mapapatalsik ang punong mahistrado.
Bukod sa impeachment ay may isinampa ring quo warranto petition si Solicitor General Jose Calida sa mataas na hukuman laban sa pagkakatalaga ni Sereno.
Kung tuluyang mapawalang-bisa ang pagkakatalaga kay Sereno ay hindi na kinakailangan pa ang impeachment.
Nakatakdang bumaba sa pwesto si Sereno sa 2030 kapag naabot na niya ang mandatory retirement age na 70, ngunit para kay Duterte ay masiyado itong matagal.
“Tsaka hindi ka dapat diyan talaga in the first place. And that term of yours --- until what? 2030?
That’s --- that’s too long for an ignorant Chief Justice. It’s too long. Tama na ‘yan. Give way. If I were you, I will resign.”
Bago nito ay ilang beses itinanggi ni Duterte na siya ang nasa likod ng paghahain ng impeachment at quo warranto petition laban kay Sereno.
- Latest